Tagong mga ngiti, sabay hawi sa pisngi
Ganoon pa rin ang tanawin—
Kayganda— mahusay— kapuri-puri,
Ayun ang nakita ko sa’yong mga gawi

Tagong mga pagsulyap, tila ba’y nakasanayan na
Mag-uusap na parang wala lang,
Sisilay sa’yong mga matang nangungusap
Tanaw ko ang dalisay na buhay at pangarap

Tagong mga tagumpay ang sinaluhan
Saksi ako sa pagtingala sa’yo ng karamihan
Patak ng luha ay kaisa rin, ramdam kong
Hindi laging makinang ang ‘yong bituin

Tagong pagpapasalamat sa Maykapal
Totoo sa iyong buhay ang kaN’yang pagmamahal
Saan man tignan ay walang kapintasan
Hirap kung sa iba man ay pamamarisan

Tagong saya sa aking puso ang iyong dulot
Ikaw ay nilalang na kabiyak ang puso ni Kristo,
Isa kang panalangin na nagkatawang tao,
Imposible kung sabihin, pero ito ay totoo

Tagong paghanga man ito kung aaminin
‘Kilig’ daw ito kung tawagin,
Inspirasyon ka mang maituturing
Mas pipiliin kong maghintay pa rin

Maghihintay sa kung kailan ang tama,
Sa oras na isinulat ng may-Akda
Sa panahong ayos na aking puso
Sa panalangi’y itinaas kita’t isinuko

Maghihintay sa araw na makita ang aking sarili
Inilalapit sa iyo ng Panginoon habang nagpupuri,
Tulad ni Eba na inihatid ng Panginoon kay Adan
Magtatagpo tayo sa kaN’yang kalagitnaan

Sa mundong gusto ay ikaw ang gustuhin
Silakbo ng damdamin gustuhin ko mang sundin
May Diyos muna na dapat kilalanin at mahalin
Utos N’ya ay una kong aalamin at tutupdin

Sa mundong gusto ay ikaw ang gustuhin
May pamilya na unang nagmahal sa akin
Niyakap ang aking kamalian at kahinaan
Sila dapat sa aking buhay ay parangalan

Sa mga kapwa kong kababaihan,
Ikaw ay dapat na ipinaglalaban!
Sa mundong gusto lamang ay ang gusto,
Maging matalino at ingatan ang puso

Sa mundong madalas hindi tayo ginugusto,
Manatili. Manalingin at patuloy na magmahal
Isang araw, sa pagdilat ng iyong mata
Kapiling mo na- taong inilaan N’ya!

Join Our Mailing List and Recieve a Free Digital Magazine

 

Get a free digital copy of Praise Issue.

We received your info. Please check your email to confirm your subscription.