“Yung lalaking tinutukoy mo sa panaginip…ako ba ‘yun?”

Hindi birong tapang ang kinailangan ni Hannah upang sagutin ang mga tanong sakanya. Magkahalong takot at pangamba ang tumatakbo sa kanyang puso. Maaring tuluyang magbago ang kanyang buhay matapos ang tagpong ‘yan. Batid n’ya na maaring walang kasiguraduhan. Ngunit, kapag Diyos na ang nagtakda, alam nating lahat na ito ay kaaya-aya, higit pa sa ating inaakala.

Tiyak n’ya sa kanyang puso’t isip ang nais n’yang tahakin. Bukod sa pagiging “Physical Therapist,” parte rin s’ya ng “Jesus Revolution”— samahan ng mga mananampalatayang Kristiyano na nananalangin, nagmi-misyon at ministeryo sa loob at labas ng bansa. Sa kaparehong organisasyon din n’ya nakadaupang palad si Pastor Rommel na noo’y kagagaling pa lamang sa isang natapos na relasyon. Ang kanilang puso para sa paglilingkod at pagmamahal sa Diyos ang naging tulay sa kanilang pagkakaibigan mula noong taong 2006.

Naging aktibo ang dalawa sa kanilang ministeryo. May mga pagkakataong sila ay naiimbitahang tumulak patungong ibang bansa tulad ng sa Thailand, Vietnam, at Cambodia upang mag-ministeryo. Kaswal at naging dalisay ang kanilang pagkakaibigan.  Sinuportahan din ni Hannah si Pastor Rommel sa babaeng kanyang nagugustuhan.

“May date, December 14. May pangalan din ‘yung groom.”
Abril ng taong 2014 ng may isang kaibigan mula sa Cambodia ang nagpahatid ng kaniyang naiibang panaginip kay Hannah. Laking mangha n’ya kung paanong idinetalye sa kaniya na ang panaginip ay isang araw sa buhay ni Hannah na s’ya ay dumalaw sa kanilang bahay at nagbigay ng wedding invitation na hindi lamang nakalimbag ang araw ng kasal, kundi ang mismong pangalan ng lalaking kanyang makakasama habangbuhay.

Dumanas na si Pastor Rommel ng panibagong yugto sa kanyang buhay at ministeryo. Sa panahong din ‘yon, dumalaw si Pastor Rommel sa panambahan nila Hannah at naimbitahan siya ng Senior Pastor upang kanilang maging Associate Pastor.

***
“Hannah”
Nagpatuloy ang mga araw at tila ba unti-unti nang inihahayag ng Panginoon ang kN’yang kalooban. Isang gabing naghahapunan si Pastor Rommel at ang babaeng kanyang kinikilala, napansin ni Pastor Rommel ang pangalan ng kanilang waitress sa resibo, nakalagay ang pangalang “Hannah.”

“Rommel”
Nasa kalagitnaan ng biyahe si Hannah, pagdarasal at pag-aayuno, bumungad sa kanyang mga mata ang tindahang “Rommel’s Store.”

***

Ang mga sunod sunod na pangyayaring nagdadala sa pangalan ni Pastor Rommel ay nagdulot ng pagkabahala kay Hannah. Sa minsang pagdalaw din ni Pastor Rommel sa kanilang panambahan, naimbitahan siya ng Senior Pastor nila Hannah na maging kanilang Associate Pastor.

Nais n’yang alamin at lakaran ang kalooban ng Diyos. Sa kabilang banda, hindi n’ya rin lubos na maunawaan na kung bakit ang pangalang Rommel Agustin ang iniuugnay sa kanya ng Panginoon gayong alam n’ya na may ibang babaeng na itong nagugustuhan.

“Nang aking iwan ang nasabing mga tanod, bigla na lang nakita ang mahal kong iniirog. Siya ay aking hinawakan at hindi binitiwan, hanggang siya ay madala ko sa bahay kong sinilangan.” –Awit ni Solomon 3:4

‘Di napigilan ni Hannah ang pagdaloy ng kanyang mga luha. Naging mas malinaw pa sa sikat ng araw ang tugon ng Panginoon sa kanyang panalangin. Muli n’yang napatunayan na kapag nagtanong ka sa Panginoon, lagi, Siyang may sagot. At ang pagtugon ng Panginoon ang nagbigay kumpirmasyon sa isang panaginip na tila ba’y naging isang palaisipan. Hindi maaring ihayag ni Hannah kay Pastor Rommel ang naging pag-uusap nila ng Panginoon. Hinayaan n’ya na ang Diyos ang gumalaw sa kanilang kalagitnaan. Sa oras at pagkakataong itinakda ng Panginoon, ito ay mangyayari at walang makapipigil.

Sa patuloy pang paglakad ng mga araw ay mas naging maigting ang pagkilos ng Panginoon sa kanilang buhay pag-ibig. Isang pinagkakatiwalaang pastor ang nagpayo kay Hannah na may matinding kapangyarihan sa kanyang mga salita. Naging isang malaking balakid ang kanyang panunukso kay Pastor Rommel at sa ibang babae upang hindi magtagpo ang kanilang mga landas.

“Siya ang babaeng iyong mapapangasawa.”
Sa isang youth event na noo’y parehas nilang dinaluhan, nagkaroon ng pagkakataon na ipagdasal ni Pastor Rommel si Hannah bilang kaisa-isang taong tumayo at lumakad patungong pulpito. “Siya ang babaeng iyong mapapangasawa.” Inisip ni Pastor Rommel na tila ay isa itong guni-guni. Ngunit habang siya naglalakad ay muli nitong narinig, “Siya ang babaeng iyong mapapangasawa.” Isa na marahil ito sa pinakamalinaw na impresyon ng Panginoon kay Pastor Rommel. Naiibang tagpo kung saan kasalukuyan na palang ipinagdarasal ng pastor ang taong inilaan para sa kanya.

Sa parehong gabing iyon ay humingi ng tawad si Hannah kay Pastor Rommel sa kanyang panunukso. Na- intriga si Pastor Rommel na tanungin si Hannah sa kanyang buhay pag-ibig, kung mayroon man.  Doon nagkaroon ng pagkakataon si Hannah na i- kwento ang panaginip sa kanya ng kanyang kaibigan sa Cambodia. Ngunit Hindi n’ya binanggit ang pangalan. Hindi ito sa kanya manggagaling. Iniwan pa rin n’ya ang lahat sa kamay at pagkilos ng Maykapal.

Simula ng gabing iyon, nawalan ng kapayapaan si Pastor Rommel na ipagpatuloy ang pagsuyo sa babaeng una n’yang nagugustuhan. Naging balisa at nag-iwan ito ng katanungan sa kanyang puso Hanggang sa isang araw…

“Pwede mo ba akong tulungan? Pwede mo bang sabihin sa akin kung sino ‘yung lalaki sa panaginip? Ako ba ‘yun? Sinasabi rin kasi sa akin ng Panginoon na ikaw na nga…”

Panalangin. Panalangin ang bumasag sa panandaliang katahimikan at pagkabigla. Noong una pa man, inilalapit na pala ng Diyos ang kanilang mga puso sa isa’t isa. Sila ang itanadhana. Ang Diyos ang may katha. Hiningi rin niya sa Diyos na hindi lamang pagsunod ang kanyang gagawin kundi patibukin din ang kanyang puso sa kanyang iibigin. Makalipas ang tatlong araw pagbalik ni Hannah mula sa isang pagpupulong galing South Korea, ay sinagot ng Diyos ang kaniyang panalangin. Opisyal na silang naging magkasintahan.

Hindi naging paraiso ang kanilang naging relasyon bilang magkasintahan. Hindi nagkaroon ng pormal na ligawan gaya ng nakasanayan. Ngunit, ang pagmamahal ng Panginoon ang naging daan upang umusbong ang tunay na pagmamahalan sa kanilang dalawa. Matapos hingin ang basbas ng kanilang mga magulang at pastor, Mayo 1 ng hingin ni Pastor Rommel ang kamay ni Hannah upang pakasalan.

Mabilis ang naging pangyayari at sa loob lamang ng 7 buwan sila ay ikinasal na.

Sa kasalukuyan, apat na taon na silang kasal at may dalawang malulusog na supling. Dumaan ang maraming pagsubok sa iba’t ibang aspeto ng kanilang buhay at ministeryo. Magkagayunman, ito ang mas nagbigkis sa kanilang pagsasama.

Hindi maikakailang naiiba ang naging paraan ng Panginoon sa buhay nina Pastor Rommel at Hannah. Kung paanong akala mo ay hindi mahalaga, may maaaring umusbong na pag-asa at pag-iibigang hindi tulad ng sa iba.

Tayo rin ay may nag-aabang na natatanging istorya. Ani ni Pastor Rommel, ipanalangin sa Panginoon na maging bukas ang ating ispiritwal na mata at isip upang makita ang mga bagay at tao na para naman talaga sa atin. Ang pag- ibig ay isang desisyon na di lamang nanggagaling sa puso ng umaayon, ngunit galing sa Panginoon. Dagdag pa ni Hannah, “Hindi magbibigay ng pangako ang Diyos upang paasahin ka sa wala. Inaayos niya ang iyong puso upang maging handa sa kanyang itinakda.”

At ito ang kwento ng Pag-Ibig na inihulma ng Panaginip…at pinatotoo ng panalangin.

Sa kasalukuyan, mayroon ng dalawang supling sina Pastor Rommel at Hannah: Elijah Lee, 3 taong gulang, at si Zakar Zamuel na apat na buwang sanggol pa lamang.

Nakapagpasinaya na rin ang mag-asawa ng ministeryo na tinawag nilang “Light Up City” at aktibo pa rin sa gawain ng “Jesus Revolution.” Pinamumunuan din nila and “Unite Makati Group.” Abala rin ngayon si Hannah sa kaniyang coaching and financial planning business. Si Pastor Rommel naman ay isa ng Life Coach sa PNP.

Unang na i-publish noong February 15, 2020

Glendell Mae Tupido is a full-time disciple and discipler for her Lord Jesus Christ. She started her career at One Voice Magazine as in intern and later became the Filipino Editor. Her love for children inspired her to become a Sunday School teacher.