“…at darating ang araw na s’ya rin ay mamumukadkad, sisilay sa nakakubling liwanag– titingala-maipipinta ang saya…magniningning at masasaksihan ng mundo ang sarili n’yang ganda.” Kapirasong linya mula sa sulating pinaglipasan na ng panahon. Sa higit na 300 salitang nakasulat, ito ang pinaka-nagmarka- marahil siguro…masyado itong totoo? Hindi, nagmarka ito dahil hinango ito sa nararamdaman ng puso.
Dalawang beses sa loob ng apat na taon magtatagpo ang aming apelyido sa paaralan at sa kung saan man kami ay may pagkakakilanlan. Sa mga taong ‘yan, halos isang daang porsyento ang posibilidad na lalakaran, papasukan at makakadaupang-palad namin ang pare-parehong mga mukha sa magkakaibang taon ngunit may iisang sitwasyon at tanong- mga tanong na nagpataba ng aking puso ngunit kalauna’y nagpatulis sa aking nguso.
“Magka-apelyido kayo?”
Tinuring ko itong karangalan at inangkin ko na rin bilang sarili kong tagumpay. Halos mapigtas na ang kwadradong kinalalagyan ng kanyang medalya at bumuwal na sa pagkakatupi ang kanyang mga sertipiko, pwede na rin s’yang tumakbo sa konseho sa dami ng nakakikilala sa kanyang husay at galing. Tinitingala, inspirasyon, huwaran, ganyan s’ya kung ituring at tignan. Hindi rin maikakaila ang kanyang puso para sa kanyang pamilya. Nanaisin ng sinuman ang magkaroon ng dedikasyon at pangarap na meron s’ya para sa kanyang mga mahal sa buhay kaya hindi nakapagtatakang ikinararangal s’ya ng aming angkan. Dalisay at busilak ang kanyang kalooban, ako ang isang buhay na patotoo sa katotohanang ‘yan.
Sa ilang taon ko sa paaralan, ang tatlong salitang iyan ang nagsilbing panauhing katanungan sa akin na nakatatanggap din naman ng parehong sagot. Noon magpahanggang ngayon, taas noo naming ipagmamalaki na mula kami sa lahi ni Priscila Tupido at Pablito, ang hangin sa ilalim ng aming mga pakpak, bisig sa aming pagtayo at panyo sa aming mga luha.
“Edi parehas kayo?”
Tulad ng parehong ukit at kurba ng aming mga mukha, iisa rin ang landasin na aming tinahak- mula sa kinabilangang organisasyon hanggang sa kursong kinuha sa kolehiyo. Kaya, mas lalong umigting ang pag-angkla ng aking pangalan sa kanya. Madalas, inaasahan ng mga taong nakapaligid sa amin ay kasing husay at tindi ko s’ya na taon-taong pinangangalay ang binti ng aming magulang sa pagakyat-panaog sa entablado upang sabitan ng medalya o kaya nama’y mag-uuwi ng karangalan sa paaralan sa mga patimpalak na sasalihan. Batid kong hindi ito malayo at mas lalong hindi imposible! Oo, parehas kami. Iisang dugo ang nananalaytay sa aming mga ugat, iisang pamilya ang aming inuuwian, iisang landasin ang aming nilakakaran. Iisa ang aming isip sa paniniwalang ang pagsusumikap sa pag-aaral at pagiging maayos na indibidwal ang tangi naming maisusukli sa ‘di matatawarang pagmamahal, sakripisyo at suporta ng ming pamilya. Oo, parehas kami pero hindi pala ito hanggang sa huli…
“Katulad ka rin n’ya?”
Isang tagpo ng buhay ang nagtanim ng pangako sa aking puso. Sariwa pa sa aking ala-ala kung paanong halos paulit-ulit na binabanggit ang pangalan ng aking kapatid upang parangalan at sa parehas na tagpo, naglalaro rin sa aking isip kung paano paulit-ulit na sinasamahan ng aming ina na humarap sa maraming tao na may ngiting abot hanggang tenga. Nabuo kong hinuha sa aking isip at puso, “Balang araw ako naman, ilang taon nalang, ako naman. Kaya ko rin ‘yan!” Naikintal sa aking pagkatao na magmula sa araw na yaon hanggang sa susunod pa ay ang storya na pagpapatunay ko sa aking sarili sa aking pamilya at sa mata ng iba.
Sinikap kong maging tulad n’ya. Sinikap kong maging katanggap tanggap sa titulo at pagtingin ng iba. Maingat kong sinundan ang mga yapak n’ya. Dahan-dahan kong inaral ang ang husay na meron s’ya. S’ya ang tinignan ko sa lahat ng aking ginagawa. Ninais kong kung paano tignan ng iba ang ate ko, ganoon din ang sa’kin. Pilit kong itinanim ang aking sarili sa lupang walang kasiguraduhan sa pamumulaklak.
At ang resulta? Wala akong naipanalong kahit anong laban, walang naiuwing karangalan. Nakita ko ang sarili kong talunan at walang patutunguhan. Habang buhay na anino at sunod sunuran. Wala rito ang dinikta ng aking pamilya kundi suporta at pagmamahal pero ang simpatya ko, Ano ba talaga ako? Habang buhay na anino?
Nasumpungan ko ang sarling napagod sa laban. Umayaw at nauhaw- nauhaw sa totoong ako na dapat noon ko pa pinalago at hindi tinago. Siniksik ko ang aking sarili sa kanyang likuran at hinyaang daan-daanan. Nagpabulag ako sa kasinungalingang ang pagkakakilanlan ko sa aming pamilya ay base sa medalya. Panandalian kong naitabi ang tunay nilang pagmamahal at paniniwala sa aking sariling kakayahan palakpakan man ako ng madla o ipagpasa-walang bahala. Higit sa lahat, hindi ko tinignan ang aking sarili sa kung paano ako tignan ng Diyos.
“Ako’y magpapasalamat sa iyo; sapagka’t nilalang ako na kakilakilabot at kagilagilalas: kagilagilalas ang iyong mga gawa; at nalalamang mabuti ng aking kaluluwa.” Mga Awit 139:14
Naging isang mahabang proseso ang pagkaunawa ko sa katayuan ko sa harap ng Diyos at sa harap ng aking pamilya. Nang lubusan ko itong yakapin at ipamuhay, nakita ko kung paano ako ipagdiwang sa loob ng aming tahanan. Itinama ng Panginoon ang puso ko na sa hangarin kong magtagumpay- pagmamahal ng pamilya at ang perpektong plano ng Diyos ang dapat kong sundan at hindi ang inaasahan ng sinuman.
“At dumating na ang araw na ako ay mamumukadkad, humakbang palayo sa dilim at ang liwanag ay hindi na nakakubli, tumingala at naipinta na ang saya. Ang mga sumunod na pagpapala mula sa kaN’ya matapos ito ay hindi ko inasahan at inakala. Totoo nga, tao rin ang anino…”
*First published on Sept. 9, 2018.
Glendell Mae Tupido is a full-time disciple and discipler for her Lord Jesus Christ. She started her career at One Voice Magazine as in intern and later became the Filipino Editor. Her love for children inspired her to become a Sunday School teacher.