Kwento ni Jenel Topia Asilom ayon sa pagkakasalaysay kay Glendell Mae Tupido
“Wala ng mas sasakit pa nang masaksihan kong binawian ng buhay ang aking kaisa-isang kapatid na lalaki dahil sa malnutrisyon at dehydration. Napakasakit sa damdamin. Pakiramdam ko, nabigo ako bilang kuya niya…”
Ako si Jennel, 38 taong gulang. Tulad ng karamihan, mula rin ako sa isang wasak na pamilya. 11 taong gulang pa lamang ako noong naghiwalay ang aking mga magulang. Bilang panganay, naging pasan ko na ang 6 ko pang mga kapatid. Ang tanging naisin ko lamang sa bawat araw ay ang may maihain sa aming hapag. Ibig ko ring hindi sukuan ang aking pag-aaral kaya naman habang ako ay estudyante, namasukan ako bilang isang carwash boy.
Subalit kahit gaano katugatog ang aking pangarap at kahit gaano ko ito pagsumikapan, unti-unting ipinamumukha sa akin ng buhay na malabong matupad ang aking mga pangarap. Sa murang edad, ramdam ko na ang hirap na maitaguyod ang aking mga kapatid. Tuluyan akong nanlumo sa buhay ng bawian ng buhay ang aking kaisa-isang kapatid na lalaki dahil sa gutom.
Image by Kerstin Mende-Stief from Pixabay
Photo by Sippakorn Yamkasikorn from Pexels
Ang pangyayaring ito ang naging mitsa nang pagkapit ko sa patalim. Natuto akong bumarkada, mag-rebelde, mang-holdup at gumamit ng marijuana. Ibinaling ko ang sisi sa aking mga magulang. Hindi lamang iyan kundi sumubok na rin akong magpaka-lulong sa alak at gumamit ng droga sa edad na 12. Dahil dito, naging suki ako at naglabas pasok sa kulungan dahilan upang tuluyang magkawatak-watak kaming magkakapatid.
Bagong laya
Dahil ang aking reyalidad noon ay ang isang wasak na pamilya, mas lalo pang sumidhi ang paggawa ko ng masama. Nagsimula na akong magnakaw at lalo pang nalulong sa ipinagbabawal na gamot. Umabot pa sa puntong ang aking ina na mismo ang nagpakulong sa akin dahil sa paulit-ulit na paggawa ko ng kasalanan. Nakaranas ako ng “mental fatigue” at maka-ilang beses kong sinubukang tapusin ang sarili kong buhay—sinubukan kong saksakin ng tinidor ang electric socket, uminom ng isang garapong gamot at ang huli at marahil ay pinakamatindi ay ang pagsalubong sa tren ng PNR.
Isang gabing madilim at balot ng kalungkutan, isang halik na ng pamamaalam ang ibinigay ko sa aking ina at mga kapatid. Matapos nito, tumungo ako sa istasyon ng tren upang magpasagasa. Sinalubong ko ang tren na biyaheng Bicol. Habang unti-unti kong nararamdaman ang init at ugong ng tren na papalapit sa akin at hudyat ng tiyak kong kamatayan, may isang malaking boses na umalingawngaw mula sa aking likuran. Sa aking paglingon, laking gulat ko na lumagpas na lamang sa akin ng tren nang walang iniwang kahit anumang galos. Tila ba’y huminto ang pagktabo ng oras. Nakagugulat, nakapagtataka. Hindi ko maipaliwanag ang nangyari, ngunit ang sigurado ko lamang ay isa iyong himala. Nang ako ay mahimasmasan, dali-dali akong bumalik sa aming tahanan.
Namulat na ang aking mga mata sa apat na sulok ng rehas. Marahil, para sa karamihan, isang masalimuot na yugto ang pagkakabilanggo. Ngunit para sa akin, isa ito sa pinakamagandang nangyari sa aking buhay. Sa pagkakakulong ko napatunayan ang pagkakaiba ng malaya sa malayaw. Ang tunay na pagiging malaya ay hindi ang pagsunod sa sarili kundi ang pagsunod sa kalooban ng Diyos. Laging bago ang pakiramdam ng kalayaan sa akin dati. Noong nakilala ko Siya, hindi lamang ako napalaya sa mga rehas na bakal kundi napalaya rin ako sa makasalanang buhay.
Sa kulungan ko din unang narinig ang John 8:32, “ At inyong makikilala ang katotohanan, at ang katotohana’y magpapalaya sa inyo.” Nagkaroon ng kakaibang dating ang mga Salitang ito sa akin.
“Ano nga ba ang katotohanang dapat kong malaman?”
Kung noon ay bulong ng pagpapatiwakal ang gumagambala sa akin, ngayon naman ay bulong ng salitang “katotohanan” ang nais kong masumpungan. Ramdam ko sa aking puso na higit man sa mga salita, ako ay unti-unti nang kinatagpo ng Panginoon. At dito ko na nga nasumpungan ang katotohanang sinisiyasat ng aking puso, katotohanang matatagpuan lamang sa presensya ng ating Panginoon.
Bagong buhay
Sa kasalukuyan, ako na ngayon ay isang lingkod sa simbahan, driver, evangelist, chaplain, at life coach ng isang moral recovery program for inmates and precinct police at co-host sa TATNB at UCAP radio. Higit sa lahat, isa akong anak na pinalaya ng Panginoon. Ang aking mga karanasan at istorya ay higit pa sa kalayaan sa mga rehas na bakal. Sa Panginoon ang lahat ng kapurihan!
Glendell Mae Tupido is a full-time disciple and discipler for her Lord Jesus Christ. She started her career at One Voice Magazine as in intern and later became the Filipino Editor. Her love for children inspired her to become a Sunday School teacher.