Tapik ng bahagya sa balikat
Bitaw ang salitang “ikaw ay sapat!”
Hindi aawas, hindi rin kapos
Basta’t ikaw ay ikaw– tapos!
Hilig sa pagmamahal ng pamilya
Na kung sa suporta ay sobra-sobra
Isabay pa ang mga kadugong may tiwala
Sa aking kakayahang hindi lubos inakala
Lakasan pa ng kaunti ang tapik
Ano pa bang bagay ang kasabik-sabik?
Bakit tila ba’y buhay ko ay paulit-ulit
Gigising, hahayo at hihimbing muli
Umiling, pumikit, huminga ng malalim
Lungkot ng buhay ‘wag damhin
Magpatuloy ka lang sa agos
Pasasaan ba at ang alon ay matatapos
“Hindi ka naman masamang tao kaya ayos lang.”
“Hindi na kailangan ng sinuman para sa kaligtasan.”
“Magtatagumpay ka dahil magsisikap ka.”
“Ang buhay ay sa atin, kanino pa ba iaasa?”
Ilang taong ding pinaniwalaan ang mga katagang iyan
Nahumaling sa kamalian at kahibangan
Humantong sa puntong naghanap na ng kasagutan
Sa mga kakulangang kinabulagan
Sumubok ngunit hindi nagtagumpay
Hinusayan pero sumablay
Nangarap at nanatiling pangarap
Ayoko na! Itigil na ang pagpapanggap!
Ang aking sarili ay bigla na lamang nasumpungan
Tinanggap ang paanyaya ng isang kaibigan
Baon ang ‘di maipaliwanag na kasabikang
Marinig ang Mensaheng ilang beses kong tinanggihan
Regalo ng pagsuko aking natanggap
Tagapagligtas ako ay hinanap
Saglit ng pagkakataon ang bumago
Sa noon kong mundo na nakakalito
Sinimulan kong lumakad sa Kanyang salita
Binali N’ya ang mga mali kong paniniwala
Pinahina upang maramdaman na S’ya ang kalakasan
Walang totong tagumpay kung hindi S’ya ang susundan
Panibagong kabanata, eto na at pasimula
Ginhawa’y dala, nakaramdam ng kakaibang saya!
Ganito pala ang pakiramdam ng nabago?
Tila ba’y isinalang muli, ngunit sa piling na ni Kristo!
Naging parang parang isang mabigat na bato
Sa ulo ko’y nagpatino at pumalo
Dati kong buhay na inakala kong ayos na
Hinulmang muli at mas inayos pa!
Bago ko tapusin ang aking sulatin
Nais ko munang ikaw ay tanungin,
Sa iyong buhay ikaw ba ay masaya?
Sa iyonh mithiin, ikaw ba ay nakaasa?
Para bas a iyo, ikaw ay sapat na?
Mabuti, malinis, at walang sama?
Nabuhay, mabubuhay at saan magtatapos?
Kapatid, kung wala si Kristo ikaw ay kapos!
Halina at mas magpa-ayos sa Diyos!
Glendell Mae Tupido is a full-time disciple and discipler for her Lord Jesus Christ. She started her career at One Voice Magazine as in intern and later became the Filipino Editor. Her love for children inspired her to become a Sunday School teacher.