Nakagagalaw, ngunit puso ay uhaw
Malaya, ngunit hanggang ngayon ay ligaw
Nakangingiti, ngunit sa tuna’y panglaw
Nakakikita, ngunit abang ay tanglaw
Sa aking paghihintay pawang tulala
Anaki mo’y batong di nakagagawa
Nagmistulang tuod nilang sinasamba
Ngunit sa wala ay naghihintay sila
Napagod ako sa paggawa ng wala
Habang ako nama’y napag-iwanan na
Napayuko ako’t nakita ang paa
Sa batong sandiga’y nakatapak pala
Sa aking pagsilip sandiga’y duguan
Dugo ay dulot ng aking kayabangan
Sugat-sugat at mistulang binayubay
Ako’y inibig—sarili’y inialay
Nang sa wakas ay aking naunawaan
Ang pag-ibig na sa aki’y inilaan
Mga tanikala’y biglang nagkalasan
Puso’y tumibok, kalayaa’y nakamtan
Ngayon, taas kamay sa akmang pagsuko
Pahiwatig, kakamtin ang kaN’yang gusto
‘Di matatakot sa muli kong pag-ibo
Ito’y bigay mo, ‘di ako mabibigo.
John David Bautista
John David Bautista, also known as JD, is a graduate of Bachelor of Theology from the Asian Seminary of Christian Ministries. He loves to write poems and songs about life. He is a Worship Director in his home church in Batangas, Philippines.