ni Beiah Tudio
Sa nakaraang tatlong linggo, ginawa kong tagubilin sa aking sarili na magpasalamat sa Panginoon sa social network na Facebook.
Nakasalalay ang mga salaysay na ito sa mga pangyayari sa buhay ko araw-araw. Dalawang beses pa lamang akong nakalilimot na makapagtala ng salysay. Mula sa pag-gising sa akin ng Panginoon sa araw-araw hanggang sa pagpoprotekta Nya kahit sa mga taong hindi nakakikilala sa Kanya.
Kung iisipin, napakadali lamang ang magpasalamat. Isang simpleng thank you! lang, masasabi mo na nagpasalamat ka na. Pero ibang klase kapag nagsabi ka sa Panginoon na gagawin mo ang lahat upang makapagpasalamat ka bawat araw sa mga ginawa Nya sa buhay mo.
Bakit ibang klase?
Mahirap makipag-usap palagi sa isang tao lang. Nakapapagod at madalas nakasasawa. Lalo na kung sa isang taong hindi sumasagot sa’yo.
Pero ganito ang pananampalataya sa Panginoon. Pananampalataya ang paniniwala kahit hindi mo ito nakikita. Pananampalataya ay paniniwala kahit hindi ka sigurado na mangyayari nga ito. Pananampalataya ay pagpapasalamat sa mga bagay na ginawa ng isang nakatataas kahit hindi ka sigurado na naririnig Nya nga ito.
Sa totoo lang sigurado ako na naririnig Nya ako. Dahil sa araw-araw sa aking pasasalamat, binibigyan Nya ako ng mga maipagmamalaki kong tagumpay maging maliit lang ang mga ito.
Hindi natin alam kung anuman ang plano sa’tin ng Diyos. Pero hindi naman siguro mahirap kung magpapasalamat tayo sa kakayahang makagising tuwing umaga (o kaya’y hapon o gabi para sa iba).
Madali lang naman magsabi ng thank you di’ba?