by Beiah Tudio

Pitong araw makalipas ang isang kaarawan.

Isang araw na tila walang nangyayaring maganda.

Rumaragasang trak habang papatawid ang isang pitong taong gulang na batang babae kasunod ang sampung taong gulang nyang ate.

Madilim.

Nakabaliktad ang mundo.

 At hindi na ako makatayo.

***

Sampung taon gulang ako ‘nang mawala sa akin ang kakayahang makapaglakad. Nabundol ako ng kotse at nabalian ng buto sa kaliwang paa. Nagising akong nakahiga sa kalsada, nagtataka bakit parang baliktad bigla ang mundo. Sinubukan ‘kong tumayo gamit ang payong na hawak ko habang pinapanood ang aking ama at ang drayber ng kotse sa harapan ko na pumunta sa’king punumpuno ng pag-aalala ang mukha.

Saka ko na lang naisip na merong mali nung binuhat na ako ng drayber sa kanilang kotse habang sinasabi sa ama ko na ang lakas daw at narinig nya kung ano ang nangyari.

Nabali na pala ang kaliwa kong paa at maooperahan ako sa loob ng dalawang araw. Unang beses ‘kong ma-ospital. Ang tanging naalala ko ay ang mga luhang pumapatak sa aking mga mata habang papikit ang mga ito sa epekto ng pampatulog na itinurok sa’kin ng nars.

Dalawang araw ‘kong hindi maintidihan kung anuman ang nangyari. Ang natatandaan ko lang ay hindi ko alam kung umaga na ba o gabi. At ang hindi nila pagpapakain sa’kin ng dalawang araw.

Sa loob ng dalawang buwan, kinailangan kong matutunan na gawin ang pangaraw-araw na gawain na nakahiga. Isipin nyo na lang kung paano ako naliligo (at iba pang ginagawa sa banyo). Dalawang buwan kong tiniis na nangangati ang kaliwa kong binti dahil nilagyan ito ng semento. Mainit. Madalas akong umiiyak dahil hindi ko makayanan ang kati. Lalong hindi ko kinakaya na walang akong magawa kun’di ang panoorin ang mga tao na lumakad, tumakbo, lumangoy at umakyat sa hagdan.

Sa edad kong ‘yun, kaunti at simple pa lang ang mga pangarap ko. Makapaglaro, makalangoy kapag summer makarating sa iba’t ibang lugar nang walang abala. Lahat nang ‘yon ay ninakaw sa’kin ng isang aksidente. Dalawang buwan akong nakakulong sa kama—iisa ang pwesto sa paghiga at gumigising sa parehong sitwasyon.

Akala ko no’n ay hindi na ako makakapaglakad kahit kailan. Sakto pang nakapanood ako ng pelikula patungkol sa isang manlalaro na napilayan at habang buhay nang hindi makapaglalaro. Ngunit dalawang buwan lang, nakapaglalakad na muli ako.

Naibsan ang lahat ng ‘yon sa araw-araw na pagbabasa sa’kin nang aking ina ng salita ng Diyos. Pinagtyagaan akong tulungan ng nanay ko sa pagdadasal, sa pagkaya sa lahat ng pasakit na dulot nang aksidente. Araw araw nya akong sinasabihan na kaya ng Panginoon ‘yan. At kung anumang lungkot ang nararamdaman ko, ibigay ko lamang ito sa Panginoon.

Sampung taong gulang. Mura pa ang aking edad para maintindihan na kung anumang ang nangyari sa’kin nang panahon ‘yon ay isang pagkakataong mapalapit sa Panginoon. Upang maintidihan ang Kanyang katapatan. Upang maintindihan na sa gitna ng pagsubok, may Isang kayang umalalay sa’kin. Na kung anuman ang nangyayari sa ating buhay ay may ugnay sa paghuhulma sa atin ng Panginoon. Na hindi mo kailangang pagdaanan ang lahat ng mag-isa.

***

Marahil ito ang unang beses na ikinuwento ko ang isang bahagi ng buhay ko sa ganitong paraan. Hindi ko kasi kailanman inisip na isang malungkot na pangyayari o kaya’y trahedya ang nangyari sa paa ko. Hindi ko inisip na gumuho ang mundo ko nung araw na nawalan ako ng kakayahan makapaglakad.

Bakit?

May mga dahilan bakit nangyayari ang mga mahahalagang araw sa buhay natin. Ang masarap dito ay merong tayong maasahang Panginoon na laging nandyan upang tayo’y gabayan at samahan sa ating kaligayahan at kalungkutan.

Ang pananampalataya ay hindi nakukuha lang sa isang hiling. Ang hiling ay maaring salita lamang. Kailangang ito’y nanggagaling sa’ting puso. Na kapag tanggap natin ang hamon na tanggapin ang pagmamahal Nya, handa tayo na tanggapin ang anumang ibabato sa’tin ng buhay dahil nasa puso natin ang paniniwala na hindi tayo pababayaan ng Panginoon. Na ang ating kakayahan ay nakabangko sa paniniwala na walang ibang makatutulong sa’tin na hihigit pa sa kakayanan ng Panginoon.

Sampung taon na ang nakalilipas nang maranasang kong mawalan panandalian ng paa. Sa t’wing naglalakad ako, hindi ko maialis sa sarili ko na magpasalamat dahil nagkaro’n ako ng pangalawang pagkakataon na lasapin ang mga bagay bagay, gaano man ito kasimple, sa mas malalim na paraan.

Kung nawalan ka man ng kahit ano, wag mong panghinayangan. Dahil ang totoong regalo ay nandun sa tabi ng ating Panginoon, sa lugar kung sa’n wala ng sakit at anumang pagdurugo ng puso. Tiwala lang ang kailangan ng Panginoon. Pananampalataya na kahit anong mangyari, Sya lang ang may kakayahang magbigay nang tunay na kaligayahan.