“Magbigay kayo at kayo’y bibigyan ng Diyos. Higit na mapalad ang nagbibigay kaysa tumatanggap.”

Ito ang mensahe sa akin ng Panginoon ng ako’y maimbitahan upang lumahok sa isang aktibidad na ang layunin ay ang makapagbahagi ng salita ng Diyos, at makapaghatid ng kasiyahan sa pamamagitan ng iba’t ibang uri ng materyal na bagay para sa kabuhayan at gamit sa pang-eskwela ng mga kapatid nating Ita sa Tribo ng Poquiz.

Noong una, ay hindi ko mawari kung ano ang nais ng Diyos kung bakit niya ako inaatasan na sumama sa ganoong klase ng aktibidad. Ngunit sa kabila ng mga katanungan sa aking isip, ako ay buong puso na sumunod sa utos ng Diyos.

Ika-sampung araw sa buwan ng Oktubre ang aming pangkat ay naglakbay patungo sa San Clemente, Tarlac, bitbit ang pag-asa, kasiyahan, at salita ng Diyos para ibahagi sa mga kapatid nating mga Ita. Bilang isang litratista, ang aking pangunahing trabaho ay ang i-dokumento sa pamamagitan ng litrato ang mga pangyayari sa loob ng dalawang araw. Ang puso ko ay puno ng kasiyahan, ngunit ang aking isip ay tila nagmumuni-muni parin sa salita ng Diyos patungkol sa pagbibigay. “Kung ako’y magbibigay sa aking kapwa, sa paanong paraan ba ito susuklian ng Diyos?” Iyan ang katanungan na gumugulo sa aking isipan.

Lumipas ang dalawang araw, ang puso ko ay puno ng kagalakan dahil sa aking mga nasaksihan. Mga matang puno ng ngiti sa kasiyahan, at mga mukha na umaapaw sa pag-asa. Sa pagtatapos ng aming Gawain—nagbahagi ng salita ng Diyos, namigay ng mga gamit pang-eskwela, mga damit at pangkabuhayan—ay sinagot ng Panginoon ang mga katanungan sa aking isipan. Ang mga maliliit na bagay na aking ibinahagi, katulad ng pagbibigay galang, pakikitungo, at pagpaparamdam ng pagmamahal sa ating mga kapatid na Ita ay may sukling kagalakan sa aking puso na masasabi kong biyaya galing sa Panginoon.

Kabahagi ng aktibidad na ito ay ang 700 Club Asia bilang mga panauhing tauhan sa pamamahayag, na naging daluyan rin ng pagpapala mula sa Panginoon. Bilang bahagi ng One Voice Magazine, ako po ay lubos na nagpapasalamat sa inyo. Tayo nawa ay maging daluyan pa lalo ng pag-ibig ni Kristo para sa isa’t isa.

Sa nalalapit na araw ng kapanganakan ni Kristo Hesus, maliban sa mga regalo na ating ibabahagi sa ating pamilya, kaibigan o katrabaho, huwag nating kalimutan na ang Pista ng Kapaskuhan ay tungkol sa pag-ibig ni Hesus para sa ating lahat.

 

Marlon Angeles

Si Marlon ay may masidhing paglilingkod sa gawain ng Panginoon at may sapat na kakayanan para atasan ng iba’t ibang uri ng instrumento sa loob ng simbahan. Siya ay kasalukuyang namamahala ng “Young Adults Ministry” sa Shekinah Global Harvest Church at may marubdob na hangaring tulungan silang maunawaan ang pagkatawag sa kanila ng Panginoon. Higit sa lahat, si Marlon ay may pagnanasang maging manunulat  upang maging kaparaanan ng pagpapalaganap ng salita ng Diyos.