Ang daming beses ko nang sinabi sa langit na susuko na ako. Hindi ko na kaya. Hindi ko na magagawang kunin ang responsibilidad na binigay ng Diyos sa’kin. Masyadong mabigat. Masyadong mahirap.
Ito ang digmaang minsang ko nang tinakasan at ngayo’y muling sinusuong.
—
Bilang kalahati ng pagiging panganay na anak (mayroon akong kambal) malaking responsibilidad na ang naatang sa balikat naming ng kambal ko na pangalagaan ang mga nakababata naming kapatid. At dahil sa pagkakaiba ng personalidad naming dalawa, ang kambal ko ang parang naging nanay. Magaling s’yang magluto at mag-alaga ng bahay. Ako naman ang parang naging ama—tagapangalaga ng kapakanan at pagkatao ng aking mga kapatid. Bata pa lamang ako ay naintidihan ko na ang responsibilidad na meron ako sa mga kapatid ko.
Ngunit dumating ako sa punto ng buhay ko na gusto ko nang sumuko. Hindi ko kayang akuin ang pagiging buo ng pagkatao ng mga kapatid ko dahil ako din nama’y lumalaki pa lamang at tinutuklas pa ang pasikot-sikot ng buhay.
Pero sa totoo lang, hindi ko naman pala kailangang akuin ang laban na ‘yon. Nasa palad ng Panginoon ang bawat taong dadaan ng buhay ko.
Ngunit ito ang hamon: tatanggapin ko ba ang responsibilidad na maging parte ng buhay ng isang kabataang dadaan ng buhay ko gayong naranasan at patuloy kong nararanasan ang kadakilaan N’ya sa buhay ko? Hahayaan ko na lamang ba na manatili at mabulok ang mga itinuturo N’ya sa buhay ko? O magkakaro’n ako ng tapang na ibahagi ito sa mga taong nasa paligid ko lalo na sa mga kabataan?
Ito ang digmaang kinaharap ko kasama ang grupo ng One Voice sa humigit kumulang apat na raang kabataan mula sa iba’t ibang sekundarya at kolehiyo ng lungsod ng Tacloban.
—
Larawan ng isang pinagiwanang digmaan ang Tacloban kahit higit limang buwan na ang lumipas mula nang nasalanta ito ng bagyong Yolanda.
Naging pansamantalang magulang kami ng mga kabataan ng Tacloban nang isinagawa ng One Voice ang tatlong araw na workshop para sa sining, teknolohiya, panitikan at musika.
Naging mananayaw, manganganta, manunulat, mangguguhit, manunugtog ng gitara at drums, naging tagalapat ng pahina, tagadisenyo ng mga websites, at tagakuha ng bidyo at litrato ang mga kabataang nakasama namin.
Sa ilang araw na nakasama namin ang kabataang Taclobanon, natuklasan namin ang kalakasang hinahanap ng Tacloban para makabangon muli. Karamihan sa mga naisulat ng mga kabataang ito, nagsimula man sa pag-alala sa mga masalimuot na nangyari noong kasagsagan ng bagyo ay nagtapos sa pangarap at pag-asa na muling babangon ang kanilang lungsod. Pansamantalang nalimutan nila ang idinulot ng bagyo ngunit kasabay nito’y nabuo sa kanila ang pag-asang kaya nilang bigyang liwanag muli ang Tacloban.
Nagtapos ang aming linggo kasama ang mga kabataang ito sa isang selebrasyon kasabay ang muling pagkabuhay ng Panginoon (linggo ng Semana Santa). Buong siglang tinignan ng mga kabataang ang kanilang mga gawa nilang guhit, litrato at pahina na ginawang disenyo sa paligid ng multi-purpose building ng UP Visayas Tacloban College (UPVTC). Binigyang buhay ng mga kabataan ang mga pinaghandaan nilang mga presentasyon tulad ng mga orihinal na kanta, mga orihinal na sanaysay, masigasig na sayaw at ang pinagsamasamang handog ng mga manganganta at manunugtog ng tambol at gitara.
Sa lahat ng ito, natuklasan namin ang kahalagahan ng aming posisyon. Lahat tayo’y dumaan sa kabataan. Lahat tayo’y mayroong tiningalang mas nakatatanda sa atin, hinihintay ang sagot nila sa mga katanungang bumabagabag sa atin noon. Naranasan nating lahat na maghanap ng taong maari nating asahan na ipaglaban ang kung ano mang huhubog ng ating pagkatao. Marahil ang iba sa atin nakita yun sa ating mga magulang. Ang iba sa mga kaibigang nakasalamuha nila. At higit pa, sa mga ate at kuya na kanilang nakasalamuha—sa eskwelahan, sa mga kapitbahay o di kaya’y sa mga pagkakataong tulad nang naibigay sa’min sa Tacloban.
Nasa katangi-tangi posisyon ang ating henerasyon sa pangangalaga ng digmaang kinahaharap ng kabataan natin. Nasa ating mga kamay ang pagiging tulay sa kanilang pagiging musmos hanggang sa kabubuang kamalayan sa kanilang paligid. Mas kaya tayong lapitan ng kabataan dahil hindi nalalayo ang kanilang edad sa atin.
Kung alam mong nabiyayaan ka ng kaalaman na piliin ang mabuti sa masama, responsibilidad nating pangalagaan ang kabataang dadaan sa ating buhay. Sila ang pag-asa ng bayan. Ngunit hindi nila marararamdaman ang kahalagahan ng kanilang buhay kung walang unang maniniwala sa kanila.
Isang maliit na hakbang patungo sa tagumpay ng digmaang ito ang maniwala sa kanila. Handa ka ba sa hamon na ito?
Isinulat ni Beiah Tudio
Ang artikulo na ito ay unang nailatlaha ng One Voice magazine noong June 3, 2017