Sa loob ng labindalawang araw, kami ay naglathala ng mga kwento ng buhay, upang mabigyan ng mukha at tinig ang mga pangkaraniwang tao. Ang aming mithiin na sa pamamagitan nito ay makapagbigay inspirasyon sa bawat isa na mangarap at magkaroon ng pag-asa kasama nila. Ang araw ay sumisikat sa lahat, maging ang biyaya na mabuhay ng matiwasay.

#IdreamwithONEVOICE
#AnoAngPangarapKo
#AngArawAySumisikatSaLahat

Ako si Jaime Avila, isang magtataho. Pangarap ko ang magkaroon ng sariling factory ng taho, upang matustusan ko ang pangangailangan ng aking pamilya at magkaroon sila ng mabuting buhay. –Jaime Avila, Taho Vendor

 

“Kung hindi ako mason o construction worker, pangarap kong maging Engineer. Pero hindi nakapagtapos. Nag-asawa ng maaga. Pangarap kong gumawa ng sarili kong bahay.”
-Michael Anonuedo, Construction Worker

 

“Hindi habang buhay ay magtitinda ako sa kalsada, kaya pangarap ko na makapagtapos ang mga anak ko. Nais kong magkaroon sila ng magandang buhay para hindi sila aapak-apakan; iba kasi ang may pinag-aralan. Higit sa lahat, pangarap ko ang makapaglingkod sa Panginoon ng full-time.”
–Jennylyn R. Valles, Tindera ng Mani

 

 “Kami po, simple lang na tao. Gusto namin ‘yung pang araw-araw na gastusin ay natutugunan. Ayu’n lang.”
-Kuya Roberto Aquino, Buko Vendor

 

“Dati, ang trabaho ko ay cook sa mga hotel. Kaso nagkaroon ako ng Diabetes, kaya hindi na ako pwedeng magluto. Kain kasi ng kain sa kusina—walang disiplina. Kailangan mong tumikim ng tumikim. Noong cook pa ako, natulungan ko ang pamilya ko na maging stable yung buhay nila. At least natulungan ko sila sa kanilang pag-angat sa buhay. Ngayon, magaganda na ‘yung buhay nila. Ako naman ay parang pulubi na naglalakad sa kalsada. Marami akong tinitinda noon, sari-sari.

Kaso isang araw, naglalakad ako sa Divisoria, tapos nakita ko itong mga bola at naisip ko na pwede ko siguro itinda ito dahil maraming mga bata ang naaliw dito. Kaya ginawa ko nang stable na trabaho ko ito. I am a Diabetic patient with a wound for 6 years, pero I am still alive and kicking at malakas pa rin ako. Why? Dahil sa Kanya (sa Diyos), pinapahaba Niya ang buhay ko. Siguro’y binibigyan Niya ako ng pagkakataon na makapaglingkod saka N’ya. Ayun kasi ang pangako ko sa Kanya. I would always pray to Him. I would tell Him, “Ikaw na ang bahala, Ikaw na ang gumalaw sabuhay ko, I surrender my life and soul to You.” Ngayon, unti-unti ko nang inuumpisahan ‘yung pinakapangarap ko sa buhay: to preach the gospel of the Lord to the whole world.
–Kuya Joey Galang, Balloon Vendor

 

“Unang-una bilang isang Kristyano, ang pangarap ko ay ang makamit ang ipinangako ng Panginoon na buhay para sa atin. Pangarap kong patuloy na makapaglingkod sa Panginoon at maibahagi ang Kanyang salita sa iba. Higit sa lahat, pangarap ko na ang mga anak ko na hindi pa nakakikilala sa Panginoon ay makakilala sa Kanya, at makasama ko ang buong sambahayan ko sa pagliligkod sa Panginoon.”
–Kuya Eduardo Balabbo, Security Guard

 

“Pangarap ko na sana magbago ang buhay ko. Kapag medyo matandang matanda na ako, hindi na ako makapaglalakad para mag-service ay sana nasa bahay nalang ako. Pangarap ko na magkaroon ng maliit na sari-sari store para hindi na ako naglalakad dahil 70 years old na rin ako.Pangarap ko rin na magkaroon ng sariling parlor.”
-Ate Yoida Pascua, Manicurista

 

“Pangarap ko na magkaroon ng sariling bahay at lupa. Magtitinda na lamang ako sa probinsya. Sana ay matupad ang pangarap ko.”
–Mary Rivera, Candy Vendor

 

“Ang aking pangarap ay makapaglingkod sa ating Panginoon. Dati isa akong masamang simbolo sa mundo. Isa akong drug addict. Pero dahil sa awa ng ating Panginoon, ako ay binago Niya. Pangarap ko rin na umasenso para gumanda naman ang ating pamumuhay. Kailangan din natin na medyo umangat ang ating buhay kasama ang ating Panginoon. Naniniwala ako na ‘pag kasama natin si Lord, lahat ng ating mga pangarap ay matutupad.”
– Kuya Elvis Payos, Family Driver

 

“Ngayon, hindi na ako masyado naghahanap-buhay, hindi tulad noong dati na ang dami kong raket— hindi yung raket na kalokohan kundi legal na raket, ‘yung pinagpapawisan. Kahit anong nakikitako na pwedeng gawing hanapbuhay ginagawa ako. Namumulot ako ng kalakal, wala naming puhunan iyan, eh. Iipunin ko ‘ yun ng isang lingo, pagkatapos ipakikilo ko at magiging pera na. Minsan naman nag-dedeliver ako ng tubig sampung piso isa. Tapos, habang nag-aantay ng pasahero ay nagtitinda ako ng kung anu- ano. Ganiyan ang sistema ko noon, die hard ako maghanap-buhay para sa mga anak ko. Dahil hindi ako nakapag-aral sa kolehiyo, sabi ko noon, mangangarap nalang ako para sa mga anak ko, kaya nagsikap ako. Hindi man nakapagtapos sa magagandang kolehiyo ang mga anak ko, basta nakapag-aral sila. Ang importante ay maka-graduate sila sa kolehiyo. Wala naman akong ibang pinapangarap kundi mga anak ko, ang magkaroon sila ng magandang buhay. Sa ngayon ay masasabi ko na unti-unti nang natutupad ang pangarap ko dahil dalawa sa mga anak ko ang nakapagtapos na. ‘Yung isa kong anak ay teacher na, at ‘yung isa naman ay nag o-opisina. Tapos ‘yung bunso ko ay grade 12, pero mga kapatid na niya ang nagpapa-aral sakanya. Itong tricycle na gamit ko ay hindi na sa akin, nu’ng makatapos kasi yung pangalawang anak ko, nagpahinga ako ng dalawang taon. Ngayong buwan lang ako ulit ako namasada. Kasi nahihirapan na ko sa bahay– puro kain, tulog, upo at alaga lang sa apo ko ang ginagawa ko. Kaya’t bumalik ako dito sa Morayta. Gusto ko kasi ‘yung may sarili akong pera at hindi umaasa sa sahod ng mga anak ko; tsaka gusto ko rin na gumagalaw yung katawan ko.

Kaya dapat tayo ay magpasalamat sa Panginoon, masuwerte tayo.’ Yung iba d’yan walang bahay—sa kalsada natutulog. Palagi kong sinasabi sa mga anak ko na pinagpala kami dahil kahit maliit lang ang bahay namin, buo ang pamilya namin at nakakakain kami ng tatlong beses sa isang araw.
–Kuya Bonifacio Tapis, Tricycle Driver

 

“Ako ay isang all around kasambahay: nagluluto, naglalaba at naglilinis. Pangarap ko rin pong magkaroon ng bahay—sariling bahay. Symepre mas maganda ‘yung may sariling bahay talaga. Gusto ko rin ‘yung makapagtapos ang mga anak ko para magkaroon sila ng magandang buhay. Ang mga anak ko ang nagpapalakas sa akin.

Naniniwala rin ako na ang Panginoon ay laging nandiyan para gumabay at magpalakas sa atin. Siya ay tumutulong upang tuparin ang mga pangarap natin. Tinutupad ng Panginoon ang mga pangarap natin kung tayo ay may pananampalataya sa kaN’ya.”
–Nanay Cathalina Paja, Kasambahay

 

“Ako si Jasmin Vargas, animnapu’t pitong taong gulang. Pangarap ko ang magkaroon ng mapayapang pamumuhay kasama ang aking pamilya. Pangarap ko rin na maging matagumpay sa kanilang career ang aking mga anak at sila’y maging masaya. At para sa aking mga apo na magiging dalawa na, pangarap ko’y maging matagumpay din sila.”
-Ate Jasmin Vargas, Maybahay/Backyard Gardener