Lumaking walang ama, paano kung ang dating nagpo-protekta at tanging ama na nakagisnan mo ay siya mismong magtatangka sa’yong buhay? Saan mo pupulutin ang pira-piraso mong puso? May pag-asa pa ba itong mabuo?
Ako si Jari. Bunso sa panig ng ina kung saan may isa akong kuya (kapatid sa ina), at panganay sa panig ng aking ama kung saan mayroon akong lima pang nakababatang kapatid. Tatlong buwan pa lamang ako nang iwan ako ng aking tunay na ama nu’ng maghiwalay sila ng aking ina. Sa kabila noon, sinikap kaming palakihin mag-isa ng aking ina sa loob ng isang positibo at mapagmahal na tahanan.
Ang nakababatang kapatid ni mama na si tiyo Marc ang pinaka malapit sa tatay na nakagisnan namin ni kuya. Magiliw siya noon at mahilig magbiro at sobrang sarap niyang magluto. Pero, ‘di lumaon ay nalulong siya sa alak, droga, at depresyon. Nakapanlulumo siyang tignan. Simula noon ay lagi na lamang siyang galit, nagmumura, at nagdadabog. Gayunpaman, natagpuan ako ng pagmamahal ng Diyos sa gitna ng pangungulila ko sa isang ama at isang ligtas na kapaligiran.
Ang Simula ng Takipsilim
Ang biglaang pagkamatay ng aking Ina ang nagbukas ng maraming isyu sa aming pamilya. Naiwan sa pangangalaga ko ang aking lola na putol ang isang paa dahil sa diabetes. Sa isang iglap ay nagkaroon ako ng responsibilidad na sa aking loob ay dapat ang mga anak niya ang unang sumaklolo… dahilan upang ‘di ako makapagdalamhati dahil sa patong-patong na problema na kinaharap ko. Naubos ang aking ipon at ‘di ako makapagtrabaho ng maayos dahil walang mag-aalaga sa aking lola. Dagdag pa rito, ang pinalalabas pa ng tiyo Marc ay pinababayaan ko ang lola–pinagkalat niya iyon sa iba pang kamag-anak namin. Mahigpit ang kapit ko Panginoon habang nagkakasakit dulot ng sobrang pag-iisip. Pakiramdam ko ay mag-isa ako. Nalaman ko pa na gusto akong palayasin ng aking tiyo nang sa gayon ay mapasakanya ang bahay kahit buhay pa ang lola. Nagbasag siya ng parte ng bahay dahil magtatayo raw siya ng pwesto niya doon at kinaskas niya ang kotse ko ng bakal. Alam kong ang Diyos ang aking tagapagtanggol, ngunit, bumili pa rin ako ng balisong at pang-kuryente sa takot ko sa bawat araw na lumilipas na baka ano pa ang gawin ng tiyo ko. Naging sobrang “paranoid” ko at minsan naisip ko, “Nadidinig pa ba ng Diyos ang mga panalangin ko at mga piping sigaw?” Kalaunan, nagtagumpay ang tiyo at napalayas ako sa bahay ng lola ko. Akala ko tapos na…
Ang Pinaka Madilim na Madaling Araw
Ilang buwan ang lumipas nang mag desisyon akong bisitahin ang lola. Nadatnan ko siyang naliligo sa ihi at puro butlig ang likod. Naghahanap ako ng bimpo para punasan ang lola nang abutan ako ni tiyo Marc at pinagmumura ako at sinabing walang bimpo at gumamit ako ng tissue. Ramdam ko ang pagkawala niya sa sarili dahil mas agresibo siya at nanlilisik ang namumula niyang mata. ‘Di ko napigilang maluha habang nahahabag sa pinupunasan kong lola na pinagmumumura rin ng tiyo sa sandaling ‘yun habang kinukuhaan kami ng video sabay sabing, “O kunwari mabait, kunwari masipag. Ikaw na magaling!” Nagdilim na ang paningin ko at naubos ang katiting na respeto ko sa aking tiyo. Namalayan ko nalang na lumabas na sa bibig ko ang mga salitang, “Lumayas ka ditong demonyo ka!” sabay pabagsak na sarado ng pinto. Wala ring magawa ang lola. Naluha na lamang. Nu’ng paalis na ako ng bahay, winalis ni tiyo ang isang malaking bato papunta sa direksiyon ko. Palaban at pabalang akong nambuska at sinabing,“Ay, ‘di ako tinamaan.” Lumalakad ako papalayo nang madinig ko sa aking likuran and tunog ng tila sibat na nahulog sa konkretong daan. Sa unang bagsak, sinabi ng tiyo ko, “Ay ‘di tinamaan, isa pa!” Tatlong beses niyang tinangkang sibatin ako ng bakal na hawakan ng mahabang walis tingting habang hindi ako lumilingon. Sa pangatlong subok niya, isang malakas na kalampag ng katawan ang nadinig ko. Du’n na ako nag desisyong lumingon at tingnan ang nangyayari sa likuran ko. Doon, natagpuan ko ang tiyo na nakadapa na may bahagyang mga sugat. Ang bilis ng pangyayari at hindi ko alam ang magiging reaksiyon ko sa dami ng tumatakbo sa isip ko. Ang nasabi ko nalang ay, “Ano ba kasing ginagawa mo?! Nasasaktan ka lang e!” Doon, ay unti-unti siyang tumayo at umatras bago pa may makakitang kapitbahay sa amin. Hindi ako sigurado kung ano talagang nangyari sa likuran ko, pero dama ko ang ang proteksiyon ng aking Ama sa Langit. Gusto niya ako saksakin pero ni minsan di ako inabot o tinamaan. At paano siya nadapa? Hindi ko alam. Ang naiintindihan ko lang noon ay ang kamay ng Panginoon na binalot ako sa tunay na kapahamakan. “Walang armas na ginawa laban sa iyo ay pakikinabangan…” (Isaias 54:17)
Habang naglalakad papalayo papuntang istasyon ng tricycle kasabay ng pagtulo ng luha ko, nakakita ako ng pangitain na nakahiga ang tiyo sa ospital, naka-lab gown at malamlam at maamo ang mata na pinupunasan ko at pinagsisilbihan. Ayoko ng nakita ko, at sa isip-isip ko, baka guni-guni ko lang ‘yun. Parang imposibleng magkaayos kami. Abala ako sa nararamdaman ng aking puso. Hindi ako makapaniwala na ang minsan kong tinuring na ama ay kaya akong saktan at pagtangkaang patayin. Ang dati kong tinaguriang tahanan ay hindi na ligtas.
Natuto akong magalit.
Pagharap sa Bukangliwayway
Sa loob ng dalawang taon, punung-puno ng galit ang puso ko. Kitang-kita at damang-dama ko ‘yun sa pang-araw-araw na buhay. Tila ang dating hinusgahan ko, ngayon ay nagiging ako. Mainitin ang ulo, laging galit at matigas ang puso. Hanggang isang araw, napagod na akong magalit. Pagod na pagod na ang puso ko. “Hindi ako ‘to, hindi ito ang disenyo sa akin ng Panginoon.” Hindi ko na kayang malayo sa aking Diyos kaya muli, tumakbo ako sa Panginoon nang buong pagpapakumbaba at humingi ng tulong sa pamamagitan ng pagsailalim sa “inner healing.”
Nanginig ang buong katawan ko nang maramdaman ko ang kurot sa puso ng Panginoon upang ako ay magpatawad sa lahat ng nanakit sa’kin. Lumalaban ang isip ko sa lahat ng kaapihang nadama ko. Ngunit tunay na tapat ang Panginoon. Hindi Niya hinayaang lamunin ang puso ko ng galit. Binigyan Niya ako ng sapat na lakas upang magpatawad, sa gitna ng taliwas na sinisigaw ng isip ko. Naging posible ang lahat sa kapangyarihan ng dugo na dumaloy sa krus ng kanyang bugtong na Anak. Nagsimula akong lumaya sa tanikala ng poot.
Nais kong ibahagi ang parte ng liham na ginawa ko para sa tiyo Marc:
Nami-miss na kita. Ikaw ang nagturo sa akin mag-bike… Lumusog ako kaluluto mo ng masasarap na pagkain… Andun ka noong panahong wala akong tatay. Nangungulila ako sa mga panahong ikaw ang nagpoprotekta sa akin. Kaya siguro walang nakalapit sa’kin. Hindi ako naligawan sa higpit mo.
Masakit sakin ang paniniwala mo na patapon at wala kang kwenta. Masakit sa akin na ang dating nagpoprotekta sa akin ay muntik nang maging mitsa sa pagkitil ng aking buhay… Sa isang banda, sa gitna ng galit ko, napaisip ako… Siguro, lubhang malalim ang mga sugat mo kumpara sa mga sugat ko para marating mo ang ganyang disposisyon… Hanggang sa punto nang kawalan ng pag-asa…
Patawarin mo ako, Tatay Marc… Sa pagtawag ko sa’yo ng demonyo, sa pagsagot at paglapastangan ko at kawalan ng respeto… Sa paglaban ko ng ngipin sa ngipin… Sa sadyang pananakit ko sa’yo dahil alam na alam ko kung paano wasakin ang puso at isip mo sa halip na tingnan ka sa mata ng pagmamahal, awa at pagdamay… Bagkus, ginamit ko ang mga sandata mo laban sa iyo at binigyan ka ng huwad na pagkakakilanlan… Patawarin mo ako, sumuko ako.
Isinusuko na kita sa paanan ng krus. Pinapalaya na kita at ang sarili ko. Dalangin ko at hangad ang ating paghilom…
Magpatuloy sa Bagong Umaga
Lumayo ako pansamantala upang patuloy na maghilom. Nagsimula muli. Bumangon. Inaral muling magmahal. Magtiwala. Bawiin ang mga ninakaw sa akin ng kaaway, lahat sa tulong ng Panginoong Hesus.
Hanggang sa dumating ang ika-85 na kaarawan ng lola ko na nagsilbing malaking pagtitipon ng aming angkan—andu’n silang lahat–lahat ng nanakit sa akin–lahat ng pinatawad ko–lahat ng minamahal ng Diyos at inalayan Niya ng Kanyang buhay. Sa aking pagdalo, batid kong ito ang kabuuan ng aking paghilom. Dito ko masusukat ang laman ng aking puso.
Kinakabahan man, muli kong ibinigay sa Diyos ang araw na iyon. Hindi ko alam ang mangyayari, pero alam kong hindi ako pababayaan ng Panginoon. Pagbaba ko ng kotse, sinalubong ako ni Tiyo Marc at lahat ng kapatid niya. Inakap ko sila at hinyaan kong siyasatin ng Ama ko sa Langit ang aking puso. Huminga ako ng malalim at dinama ito. Wala akong nararamdamang galit. Kumuha ako ng tubig nang lapitan ako ni tiyo at kinausap sa gilid ng silid. Kinamusta. Laking gulat ko nang buong pagpapakumbaba siyang humingi ng tawad sa mga nagawa niya. Pumunta ako doon na hindi naghahangad ng kahit ano. Noon pa man ay tinanggap ko ang pagpapatawad na pwedeng hingin o hindi hingin ng kahit sino. Doon, nakita ko ang katapatan ng Diyos na gumalaw sa aming pagitan. Na walang imposible sa Kanyang pangako. Na anumang ibigay natin sa Kanyang mga palad ay Kanyang pagkakaingatan. Na Siya ang aking tagapagtanggol noon, ngayon at sa darating pang mga araw. Ngumiti lang ako at sinabi sa Tiyo Marc na, “Wala na po iyon.” Sa sobrang saya ko, hindi ko namalayan na hawak ko pala ang kamay niya sa buong sandali na magkausap kami. Matapos iyon, walang usap-usap, luhaang lumapit din isa-isa ang lahat ng nanakit sa akin. Walang mapaglagyan noon ang nadama ng puso ko. Muli pinatunayan ng Panginoon ang sinabi Niya sa Isaias na, “Walang armas na ginawa laban sa iyo ay pakikinabangan at bawat dila na gagalaw laban sa iyo sa kahatulan ay iyong hahatulan. Ito ang mana ng mga lingkod ng Panginoon, at ang katuwiran nila ay sa Akin, sabi ng Panginoon.”
Matapos ang isang buwan, inatake sa puso ang tiyo. Naka ilang operasyon siya at ilang beses tumigil sa pagtibok ang kanyang puso. Dagli akong lumiban sa trabaho at lumuwas sa ospital upang sadyain siya, dala-dala ang konting naipon para makadagdag sa humigit sa milyong halaga na gastusin sa kanyang operasyon at iba pa. Pag dating ko sa ICU, nanumbalik sa akin ang pangitain na aking nakita. Ganung-ganoon ang kalagayan niya, naka-lab gown ng ospital, maamo at nangingilid-ngilid ang luha sa mata. Kinuha ko ang bimpo at pinunasan ko ang mga kamay niya, nanalangin kami ng sabay, at doon, tinanggap Niya si Kristo bilang Panginoon at Tagapagligtas. Kahit ang mga doktor ay manghang-mangha sa kagalingang natamo niya na tinawag pa nila na isang milagro. Ngunit higit sa lahat, ang tunay na milagro ay ang bagong buhay, pagkakakilanlan at pag-asa niya sa piling ng Panginoong Hesus.
Unti-unti, dumalas ang aming pag-uusap. Uhaw na uhaw siyang makilala ang Diyos na kanyang Tagapaglikha. Damang-dama ko ang pagbabago ng kanyang puso at ganun din sa akin. Nagbunga lahat ng panalangin at pagluhod, hindi lang ako, kundi ng iba pang mga kamag-anak na kasama naming lumuluhod. Naghilom ang aming mga sugat at muli kaming nabuo. Matapos ang ilang buwan, binawian ng buhay ang kanyang asawa at ilang buwan pa ang lumipas ay sumunod na rin ang tiyo Marc. Mas higit ang kagalakan sa puso ko kumpara sa dalamhati na nadama ko sa paglisan niya sa mundong ito, baon ang paghilom, at ang katiyakan ng katotohanang kailanman ay hindi na siya maghihirap at buo na siya sa piling ng Panginoon. “At papahirin niya ang bawat luha sa kanilang mga mata. Wala nang kamatayan, dalamhati, pagtangis, at paghihirap sapagkat lumipas na ang dating mga bagay.”( Pahayag 21:4)
*Pinalitan ang pangalan
Jari
Nakatuon ang puso ni Jari sa mga misyon at pagpapalaganap ng pag-ibig ni Kristo sa pamamagitan ng abstract art. Mayroon din s’yang natatanging pagkahilig na gawin sa human egg rollsa iba’t ibang malalawak na espasyo. Kinahihiligan din n’ya ang panunuod sa mga tao o hayop na kalahating tulog o ‘di kaya naman ay kalahating gising.