Mahirap isipin kung ano ang itsura ng totoong lindol. Mas lalong hindi mo magagawang paniwalaan na ang dating nakikita mo lang sa pelikula eh makikita mo sa totoong buhay. Akala ko’y nabubuhay ako sa labas ng sinehan nang dumating kami sa Bohol. Wasak na mga bahay at imprastuktura, malalaking bitak sa sementong binabaybay namin.
Isang beses ko pa lang nararanasan ang lindol. Ngunit naramdaman ko kung paanong kung ako ang nasa paa ng mga taong nawasak ang bahay, mababago ang buhay ko. Mababago sa paraang ito nanaman, nasa simula nanaman ako. Sa bawat kalamidad na nararanasan ng ating bansa, may pakiramdam na kaya pang maayos. Kaya pang buuuin muli ang nawasak. Ngunit ang pulbura ng bawat sementong mula sa taas ay ngayo’y nananatili sa baba—mahirap isipin na kaya pa nila muling tumayo.
Nakasanayan na nating ang semento ang simbolo ng katibayan at seguridad. Nakasanayan din natin na ang tatlong pangunahing pangangailangan ng isang tao ay seguridad na dala ng tahanan, sustansyang dala ng pagkain at damit sa ating katawan. Kung lahat nang yon eh wala na sa’yo anong gagawin mo?
Magsisimula ulit. Ito ang simpleng sagot nang mga taong nakausap namin sa Bohol. Tatlong araw an gaming inilagi upang makapagbigay ng kaunting saya sa mga kabataang aming binisita sa pamamagitan ng paglalaro at paggawa ng sining. Naranasan naming Makita ang mga magulang ng mga batang pinuntuhan namin na maging masaya sa simpleng pagbuo ng mga clay o di kaya’y magdikit-dikit ng mga papel na gusaling iba’t iba ang kulay. Silang punumpuno pa rin ng pag-asa na muling mabubuo muli ang Bohol. Oo nga’t may takot sa kanilang mga puso, lalo na sa mga mga matatanda ngunit hindi nawawala ang kanilang paniniwala na kaya pa—kaya pang gumising kinabukasan, kaya pang bawiin ang mga nawala, kaya pang buuin ang mga nawasak.
May simpleng sagot ang bawat umagang bumati sa’min habang kami’y nasa Bohol—ang pag-ibig at pag-asa ang magkatambal na saloobing kailangan ng isang taong muling magsisimula. Walang paninisi or di kaya’y galit sa kung anuman ang nangyari. Ang bawat araw ay simula at ngayon, kahit alam kong lumipas na ang 3 buwan, itong simpleng saloobin na ito ang naging laman ng puso ng mga Boholano upang makabangon muli.
By Beiah Tudio