Pakinggan natin ang kwento tungkol sa AKO.
Huwag na ang kwento ng iba tungkol SAYO
Simulan ang epikong kwento sa tulong ng aking talento kaya makinig at makuntento
Handa na ba kayo? Kasi magsisimula na tayo

Lapis at Papel ang puhunan sa sulat at tugma na ito, tumatak sana sa isip niyo.

“Unawain na PUSO ang gamit hindi DILANG mapanlait.”
“Makita na utak ang ipinamalas hindi laki ng salapi iwinaldas.”

Maraming tao nagsisikap pagdating sa EDUKASYON, upang sila’y maging INSPIRASYON
Pagdating ng Panahon, Kahit hindi nasa ayos ang kanilang SITWASYON.
Sitwasyon na naglagay ng limitasyon para sa isang ATTENSYON.

TITULO!

Titulo ay isang malaking plaka sa kanilang noo.
Nandyan ang Abugado, Guro, Doktor at marami pa.

Hindi naman tayo magtutuon sa mga TITULONG mga nabanggit
kung hindi sa mga ugaling hindi panlangit at Hindi nakakaakit

Taong may mataas na pangarap , inabot sa tulong ng hindi nagkulang na magulang
Makita ka lang na may plano sa iyong pagtungtong sa Entablado dala ang iyong plantsadong Titulo.
Titulo na nagbukas ng sitwasyon sa makabagong kapitulo ng lehitimong buhay.
Plaka sa noo nagbago kasabay ng ugaling nakatago.

“Ibinaba ang plaka, Hinawakan ang Titulo, Itinaas ang noo kahit kanino!”

Salitang punyal ang talas, Sarili lang nais itaas.
Siya lang ang TAMA, lahat ng tao ay MALI na.
Ang dating Isip na malalim nabalot na ng dilim,
Mga Ugaling sa ilalim ng katawan ay hindi naging lihim,

HAYAG NA! HAMBOG Pa! SAAN KA PA!
Tila nalilito ata ang taong may titulo. Parang hindi natuto. Hayaan mo ipapaalala ko sayo.
Paano kung ang pinaghirapan mong titulo sa`yong noo ay hanggang mata lang ng iba?

“Unawain na PUSO ang gamit hindi DILANG mapanlait.”
“Makita na utak ang ipinamalas hindi laki ng salapi iwinaldas.”

Lahat ay may talento magbasa’t magbaybay
hindi ito pagalingan kaya huwag kang makisabay

Tandaan mo.
“Titulo lang ang nakuha mo hindi ang MUNDO!”

Ang Kwento sa Likod ng Tula

Noong 2009, na-diagnose ako na may epilepsy. Ang malalang sakit na ito ay hindi naging hadlang sa akin na ituloy ang mga bagay na gusto ko: pagguhit, pagsusulat, at pakikinig ng musika. Ipinagpapatuloy ko ang mga sining na ito dahil binibigyan nila ako ng pagkakataong ipahayag ang aking sarili at magbigay ng inspirasyon sa iba. Ang mga salitang isinusulat ko ay hindi nilayon upang magsimula ng isang salungatan, ngunit sa halip upang hikayatin ang lahat na isaalang-alang ang iba pang mga pananaw sa buhay.

Ang “Angulo sa Titulo” ay isang tula na isinulat ko noong 2018, na ginamit ng aking mga mag-aaral sa isang paligsahan. Isinulat ko ito upang palawakin ang isipan ng mga kabataan na naniniwalang ang kolehiyo ay simula pa lamang ng tunay na laban sa buhay. Maraming tao ang nasiyahan sa kanilang posisyon at ang kanilang mga titulong pang-akademiko ngunit nawala sa paningin ang pakikipagkapwa at pagpapakatao.

Julian Ricafort

Si Julian Ricafort ay isang boluntaryong guro sa "Philemon Academy Foundation Inc.