…“Bakit po Panginoon? Ginawa ko ba ito dahil gusto ng aking mga magulangAno po ang gusto Mong gawin ko? Panginoon, kailangan ko po ng inyong gabay.”
Mangiyak ngiyak ako habang lulan ng pampasaherong dyip pauwi sa aming tahanan. Hindi ko alam kung paano ko sasabihin sa’king magulang na hindi ako nakapasa at hindi natanggap bilang isang pampublikong guro. Matapos ang aking pakikipagsabayan sa maraming aplikante, masusing paghahananda at panalangin, ay hindi pa rin pinahintulutan ng Panginoon. Gayunpaman, natagpuan ko pa rin ang aking sarili na nananalangin.
“Panginoon, patawarin mo po ako. Alam kong naging sobra ang tiwala ko sa aking sarili at hindi nanangan sa lakas Mo. Naging arogante po ako at nagalit pa sa mga gurong naghawak ng application ko. Patawarin mo po ako sa galit na namuo sa aking puso.”
Napakabuti pa rin ng Panginoon. Kahit papano, napagtanto ko ang dahilan sa likod ng aking pagkabigo. Naging mali ang aking puso. Bumilib ako sa aking sarili at nawalan ng paghanga at buong pagtitiwala sa Panginoon. Hindi pa rin ako bumitaw sa laban ng buhay. Nagpatuloy pa rin. Kahit paunti unti.
Pagbaba ko ng dyip, naglalakad kong tinanaw ang Munisipyo ng Paranaque. Nagnilay nilay ng bahagya sa kung ano ang pwede kong pasukang trabaho doon. Dalawa ang naglalaro sa aking isipan noong mga oras na ‘yun, sa tanggapan ng ina mag-aaral o ‘di kaya naman ay sa One Voice Magazine. Nang biglang tumunog ang aking telepono…
“Hi, ‘Ge, Nakita ko ‘yung Job post ng kaibigan ko. Naghahanap sila ng community development officer at ako ang una nyang naisip na irekomenda.”
Ang tawag na nagpalundag sa aking puso ay mula pala sa aking matalik na kaibigan sa One Voice Magazine na si Janina. Walang pagsidlan ang aking galak. Tila sinagot na agad ang aking panalangin. Noong araw din na ‘yun, kagyat akong nagkita ng kaibigang tinutukoy ni Janina kasama ang kaniyang kabiyak SM Bicutan. Doon, naging banayad ang kanilang naging panayam sa akin at doon din mismo, tinanggap nila akong maging bahagi sa gawain na binigay ng Panginoon sa kanilang buhay. At sa wakas, uuwi ako sa aming tahanan ng may trabaho. Magkagayunman, hindi ko pa rin maiwasang magtanong sa Diyos, “Ito po ba talaga ang para sa akin? Paano na po ang public school application ko?”
Masaya man akong magkaroon ng trabaho, alam ko pa rin na ang pagtuturo ang gusto ko. “Go, go.” Ito lamang ang naging malinaw na tugon sa akin ng Panginoon nang idulog ko ito sa Kaniya. Dito na ako nagkaroon ng kapayapaan sa aking puso.
Noong akala ko ay tapos na, muli na namang sinubok ng Panginoon ang aking puso. Nakatanggap ako ng mensahe mula sa Division office na maari na akong magtungo sa kanilang tanggapan dahil ako ay tanggap na sa para magturo sa pampublikong paaralan—na matagal ko nang inaasam.
Ang gusto ko? o ang plano N’ya?
Ang pangarap ko ang pangarap na para sa Kaniya? Panginoon gabayan nyo po ako.
May mga pagkakataong pahihinain tayo ng Panginoon para sa Kaniya natin masumpungan ang kalakasakan. Aalisin N’ya ang bilib natin sa ating sarili upang mas tumindi ang paghanga natin sa Kaniya. At kung minsan pa, papipiliin N’ya tayo sa pagitan ng Kaniyang Salita o ang ninanais ng ating puso. Ngunit, sa bandang huli, marapat lang na mas mahalin natin ang Diyos kaysa sa ating pangarap. Dahil alam natin na mas matindi pa rin ang nakalaan sa mga taong sumusunod sa kalooban ng Diyos.
Kaya naman, mula 2016 hanggang kasalukuyan, ako pa rin ay naglilingkod bilang isang Community Development officer. Ang trabaho kong ito ay kinasangkapan din ng Panginoon para lubusan ko S’yang paglingkuran at makilala. Alam kong hindi pa tapos ang Diyos sa akin. May pagpapala at pangarap pa na itatanim sa aking puso. Napagtanto ko na ang panawagan ko ay ang makinig at sumunod sa tinig at gabay ng aking Panginoon—dahil ang maging kawangis ng Panginoong Hesus ang tunay na pangarap ng Diyos para sa akin. Amen!
Geraldine Peralta
Ms. Geraldine Peralta is a believer, follower, and disciple of the Lord Jesus. She is a daughter of our gracious, Heavenly Father, Adonai! She is a sister among six siblings and four in-laws, an aunt of a nephew and 3 nieces, and a daughter of Mr. Gilberto & Mrs. Salvation Peralta. She is a teacher for indigent children and youth. She currently works as a Community Developer under the Give Jesus Ministry: Genesis One Church & Development Center.