“Pagputok pa lamang ng liwanag, dali dali na akong umalis upang makita ang resulta ng aming pagsusulit.”
“Sinalubong ko ang listahan nang may malaking ngiti sa aking mga labi na unti-unting pinatatamlay ng katotohanang hindi pa nadaraanan ng aking mga mata ang aking pangalan. Nakapanlulumo.”
“Sa wakas. Nakita ko na ang pangalan ko…”
“… sa pinakadulo, pinakababa, pinakahuli. Sa libu-libong aplikante na aking kasabayan, bokya ang aking naging marka. Opo, tama ang nabasa ninyo…nabigo ako.”
Tulad mo, isa rin ako noong tipikal na kabataan na may masidhing pag-asa na makakuha ng maayos na trabaho. Nakapagtapos ng Bachelor’s degree, may angking kaalaman at tiwala sa sarili, at higit sa lahat, alam kong kasama ko ang Panginoon sa aking pangarap. Ako si Geraldine, ngunit mas kilala ako sa tawag na “Ate Ge,” pangalawa sa pitong magkakapatid. Sa biyaya ng Panginoon, nakapagtapos ako sa kursong Bachelor of Christian Education sa Asian Seminary of Christian Ministries taong 2006, at nakapasa ng Licensure Examination for Teachers sa kaparehong taon.
Bata pa lamang ako, nakikita ko na ang aking sarili na nasa larangan ng pagtuturo. Nagsimula ang aking karera noong ako ay maging isang boluntaryong guro sa God’s flock Christian Fellowship sa edad na 13. Hindi lamang karanasan sa pagtuturo, ngunit nalinang din ang aking talento sa pagkanta na nagbigay sa akin ng tiwala sa sarili—tiwala na magiging madali at naaayon sa aking nais ang mga susunod pang tagpo ng aking buhay. Nakakintal sa aking puso ang palagiang paalala sa akin ng aking mga magulang na ang edukasyon ang magbibigay daan sa magandang kinabukasan.
Oktubre taong 2000, narinig ko ang mga katagang ito sa labi ng isang misyonero mula sa Nepal, “Hinihikayat ko kayong lahat na tumayo at ating isagawa ang ‘blood compact’.”
Magkahalong takot at panlalamig ang aking naramdaman. Iyan ang hamon sa aming mga kabataang dumalo ng Youth camp na inorganisa ng panambahang aking kinabibilangan. Sabi ko sa Panginoon, “Gusto ko pong makiisa sa inyo, pero hindi ko kayang hiwaan ang aking sarili. “Ngunit, laking panghihinayang ko nu’ng ibinunyag nilang ilustrasyon lamang ito, at ang mga naglakas loob na tumayo ay ipinanalangin. Hindi natahimik ang aking kalooban, kaya naman dumalo pa rin ako sa kasunod na araw.
Habang kami ay nasa kalagitnaan ng mataimtim na panalangin, isang preacher ang lumapit sa’kin, ako’y ipinanalangin, pinahiran ng langis sa ulo, at nagbigay ng deklarasyong gagamitin ako ng Panginoon sa pagpapalaganap ng Kaniyang salita. Ngunit, higit na ikinagulat ko noong ako’y inabutan n’ya ng 10 rupees. Hindi ito naging ordinaryong tagpo sa aking buhay. Nag-alab ang aking pagnanais na mas mangarap pa para sa Diyos—na makalabas ng bansa, makasakay sa eroplano, magbahagi ng salita ng Diyos sa maraming tao.
Mula 14 years old, ako ay nakasubok nang iba’t ibang trabaho mula sa pagiging katulong sa bahay, manicurista, factory worker tuwing summer, service crew sa fast food at canteen noong ako’y nasa college. Alam ko sa aking sarili na madali lang akong makakuha ng trabaho pero bakit ganito ang sinapit ko?
Nabigo ako. At sa loob ng mahigit isang taong pagpapabalik balik ko sa school, halos awayin ko na ang staff o teacher na kumakausap sa akin. Punong puno ako ng pagkainis at tuwing makikipag-usap ako ay mataas ang boses ko. Pero anong sagot sa akin? “Hindi ka pweding tanggapin dahil wala ka ngang score sa application. Sorry po ma’am. Mag-apply nalang po kayo ulit.” Sobrang galit ko ng marinig ko yun dahil ang alam ko sa sarili ko na qualified ko. Kahit ang papa ko ay galit na galit na, hindi na ako tinanggap. Kaya nakiusap pa ako sa tanggapan ng City Counsellor para bigyan ako ng endorsement letter para lang tanggapin. Pero wala akong napala.
Bumalik ako April 2016 para kausapin muli ang HR sa school pero pinagsungitan lang ako kaya masungit din ang sagot ko at halos ibagsak ko ang pinto sa pagpapabalik balik ko sa opisina nya. Sabay abot ng papel ko at sabi hindi kami tumatanggap ng endorsement. Mag re-apply ka nalang ulit. Nanlumo ako at matagal na umupo sa harapan nya.
Subalit, naramdaman ko ang pag-comfort ng Banal na Espiritu sa aking puso at pinawi niya ang galit ko. Habang naglalakad papalabas ng opisina ay humingi ako ng tawad sa Panginoon na pinagbalingan ko ng galit ang mga staff at teachers na nakahalubilo ko. Bigla ako nakaramdam ng kapayapaan at nagulat ako ng tawagin ako ng HR. Sinabi nya na, “Sige iwan mo ang number mo at tatawagan kita pag may opening, hindi ako nangangako ma’am ha.” Gumaan lalo ang pakiramdam ko pero nanaig pa din ang walang kasiguraduhan na sagot sa application na ito.
Nabigo ako. Kung nasaan ako ngayon ay kasalungat ng inaasahan ko. Ang luha ng kasiyahan ay napalitan ng luha ng pagkadismaya. Binigo ko ang aking pamilya, binigo ko ang mga taong naniniwala sa akin at binigo ko ang aking sarili. Ang matayog na pangarap ng tatay ko, ay unti-unting sumasadsad sa lupa.
“Bakit po Panginoon? Ginawa ba ito dahil inisip kong matuwa naman ang aking mga magulang. Ano po ang gusto Mong gawin ko? Panginoon, kailangan ko po ng inyong gabay.”
Abangan ang mga sunod na tagpo bukas kung paano ang naging tugon ng Panginoon sa panalangin ni ate Ge.
Geraldine Peralta
Ms. Geraldine Peralta is a believer, follower, and disciple of the Lord Jesus. She is a daughter of our gracious, Heavenly Father, Adonai! She is a sister among six siblings and four in-laws, an aunt of a nephew and 3 nieces, and a daughter of Mr. Gilberto & Mrs. Salvation Peralta. She is a teacher for indigent children and youth. She currently works as a Community Developer under the Give Jesus Ministry: Genesis One Church & Development Center.